Wednesday, July 8, 2015

HULYO 09, 2015



KATUWANG--MAKIKITA dito sina Gensan City Mayor Ronnel Rivera (kanan) at bagong Gensan City PNP Director, PSSUPT Maximo Layugan (kaliwa) sa nakaraang turn-over ceremony sa Camp Fermin Lira, Jr., nitong Lunes lamang. Si Layugan ang pumalit kay outgoing GSCPO Director, PSSUPT Froilan Quidilla kung saan nagsilbi sa loob ng dalawang taon at siyam na buwan. Hinaharap ngayong hamon ni Layugan ang agarang pagresolba sa patuloy na tumataas na extra-judicial killings kung saan humigit kumulang 48 na mula Enero 2015. (GSCPIO/pbanat caption)


BAGONG HEPE NG GENSAN PNP MAY MALAKING HAMON


GENERAL SANTOS CITY---MAY malaking hamon ang nakaatang sa mga balikat ng kakaupo pa lamang na bagong General Santos City Police Office Director.

Nitong Lunes lamang, pormal nang umupo si PSSUPT Maximo Layugan bilang kauna-unahang Gensan City PNP Director sa administrasyon ni Mayor Ronnel Rivera. Pinalitan ni Layugan si PSSUPT Froilan Quidilla na napunta ngayon sa lungsod ng Davao City.

Sa pag-upo ni Layugan, samu’t-saring problema ng Gensan PNP ang kinakaharap nito. Una na rito ang walang habas na extra-judicial killings sa siyudad na mula pa noong Enero ngayong taon umabot na sa humigit kumulang apatnapu’t walo (48). Dagdag pa dito ang hindi pa rin nabibigyan ng kongrektong solusyon ng mga otoridad ang illegal na droga. Ang muling pagsulpot ng mga illegal numbers game na Last Two, 4-D at iba pa. Parang kabute rin na nagsulputan ang mga outlets ng illegal na sugal sa siyudad. At ang paghuli ng loob ng Gensan City Hall upang magkaroon ng todo na suporta ang kapulisan mula sa lokal na pamahalaan.

Isang bukas na katotohanan ang pagiging overstaying na City Director ni PSSUPT Quidilla sa siyudad at kahit ang admnistrasyon ni Mayor Rivera walang nagawa upang mapalitan sa puwesto si Quidilla. Nagkaroon ng mga di pagkaka-intindihan ang Gensan PNP at LGU dahil na rin sa mga tumataas na krimen sa siyudad. Kahit ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod (SP) ibinulalas ang kanilang dismaya sa Gensan PNP dahil hindi nasugpo ang mga illegal na sabong-sabong sa isang barangay. Nagbabala pa ng kaso si Konsehal Jeng Gacal kung walang aksyong gagawin ang pamunuan ng GSCPO.

Ang mga nakalipas na City Director gaya ni dating PSSUPT Cedrick Train ginawang Best City Police Office ang GSCPO. Naging aktibo rin ang kapulisan sa larangan ng mga civic activities sa panahon ni Train.

Ito ay iilan lamang sa mga problema at hamon na kailangang mabigyan ng kongkretong solusyon ni bagong Gensan City PNP Director, PSSUPT Maximo Layugan. Hindi rin matatawaran ang kanyang mga nagawa bilang dating pinuno ng Regional Public Safety Battalion ng PNP 12. Hindi rin lingid na ito ay magiting, propesyunal, tapat at matalinong opisyal si PSSUPT Layugan. Ang agarang pagresolba sa tumataas na bilang ng mga extra judicial killings ay isang magiging patunay ni Layugan na kaya nitong harapin ang hamon ng mga taga-General Santos City. (ggorgonio)

*888888888

BBL RECRUITMENT SA SOCOT NAGPAPATULOY?

KORONADAL CITY – Nagpapatuloy di umano ang recruitment ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa mga lumad o Indigenous Peoples (IP's) sa mga bayan sa South Cotabato upang magbalik Islam sa layuning maisulong ang pagpasa ng Bangsa Moro Basic Law (BBL).
Ito ang ipinaabot na impormasyon ng isang concerned citizen sa isang lokal na istasyunan ng radyo, partikular na tinukoy nito ang grupo umano ng mga Muslim na namimigay ng bigas at nagsasagawa ng orientation sa mg IP's sa Sitio Alon, Barangay San Vicente, Banga, South Cotabato.
Sa panayam kay Brgy. Kapitan Juan Selis, ng Brgy. San Vicente Banga, aalamin at beberipikahin umano nila ang impormasyon sa nasabing recruitment na ginagawa ng mga MILF sa mga lumad upang magbalik Islam kapalit ng bigas sa layuning dumami umano ang kanilang tagasunod sa lalawigan ng South Cotabato.
May naiulat din na pamimigay ng bigas at pagtipon sa mga IP's sa mga Sitio ng Barangay Lamhaku, Tboli, South Cotabato. (report mula sa bomboradyo)

*888888888

30 TRABAHANTE PARA INTERNATIONAL FOLKLORIC FEST

LUNGSOD  NG KORONADAL, South Cotabato--  Tatlumpong mga  trabahante  ang  kailangan ngayon ng  lokal  na pamahalaan ng  Koronadal para  tumulong  sa  mga gawain  kaugnay  sa  CIOFF Folkloric  Festival sa  Agosto.
Ayon  kay  Public  Employment  Service Office  (PESO) Manager  Judith  Marmonejo  bukas ang  trabaho  sa  mga  out-of-school youth na may edad  18  hanggang  25  taong  gulang.
Hindi maaring  makapagtrabaho sa nasabing  inisyatibo ang  mga  kasalukuyang nag-aaral  dahil kailangang  magtrabaho ang  mga  ito ng  8  oras  bawat  araw tulad ng mga regular  na empleyado.  Tatagal  ang kanilang   trabaho  ng  20  araw.
Tutulong  sila  sa  paghahanda  at  mga gawain  na may  kaugnayan  sa  Pyesta  Kolon Datal   at  CIOFF International  Folkloric  Festival  sa  Agosto  9 hanggang  18  na pamumunuan ng LGU Koronadal. 
Sa  nasabing  aktibidad    daan-daang  mga  performers  mula sa  12  bansa  ang  darating  sa  Koronadal  para  magtanghal  ng kani-kanilang  mga katutubong  kultura at sining.
Ang  mga  nasabing  performers ay  manggagaling  sa mga bansang Armenia, Slovenia, Russia, Sri Lanka, Mexico, Turkey, Poland, Japan, Indonesia, Chinese Taipei, India, at Thailand.
Dagdag  pa ni  Marmonejo ang  pagkuha ng mga  trabahante  ay sa  pamamagitan  ng  Special Program  for the Employment of  Students  (SPES) ng Department of  Labor and Employment   at  lokal  na pamahalaan.
Sa  mga  nagnanais  makapagtrabaho,  tumungo sa tanggapan  ng PESO sa New City Hall Building para  sa  SPES  online  registrations.  Magdala  ng birth  certificate,  report  card  o  katunayan ng  pinakahuling mga  grado at 2 x 2  ID na may name tag. (DEDoguiles-PIA 12)

*8888888

AWAY SA LUPA SA NORCOT SOSOLUSYONAN

PRESIDENT ROXAS, North Cotabato--- Bibigyan na ng solusyon ang matagal nang awayan sa lupa sa pagitan ng mga grupo ng Lumad at Kristiyano sa Purok 8, Barangay Greenhills dito sa bayan.
Kaugnay nito, bubuuin angTaskforce Greenhills na siyang tututok sa naturang sigalot.
Ayon kay Pres. Roxas vice- mayor Noel Mallorca, malaki ang maitutulong ng taskforce para malutas na ang awayan sa mahigit 1,000 ektaryang lupa sa nabanggit na lugar.
Kasali din sa Taskforce Greenhills ang ilang mga kawani ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Commission on Indigenous People (NCIP), at mga representante mula sa grupo ng Lumad at Kristiyano.
Nabatid na nakasentro ang isyu sa pag-reclaim ng mga Lumad sa kanilang lupa mula sa mga Kristyano.
May hawak namang mga dokumento ang ilang mga Kristiyano na nagpapatunay na nabili at naibenta na ito sa kanila.
Apela naman ni Barangay Greenhills chaiperson Nover Dela Peña sa mga residente na hintayin na lamang na matapos ang validation na gagawin ng taskforce para malutas na ang nasabing problema sa lalong madaling panahon. (/DXVL News/SJDuerme-PIA12)

*88888888

SUPLAY NG KURYENTE SA NORCOT SAPAT

KABACAN, North Cotabato--- "Stable" na ang kondisyon ng kuryente ng Cotabato Electric Cooperative (COTELCO) sa kasalukuyan.
Ayon kay COTELCO General Manager Godofredo Homez, ito ay dahil sa tumaas na ang lebel ng tubig sa Agus-Pulangi at dahil sa pagkakaroon na rin nila ng remarketing ng three megawatts sa Davao Light.
Ibinalita din ni Homez ang pagpasok ng Therma South Incorporated (TSI) sa susunod na linggo kung saan ay inaasahang makakukuha ang kooperatiba ng 5 megawatts.
Kaugnay nito, mababawasan na ang brown-out sa lalawigan.
Inihayag ng opisyal na kung magkakaroon man ng brown-out ay internal lamang ang magiging sanhi nito.
Samantala, ipinaliwanag niya na ang nang yaring black-out sa kanilang service area nitong Linggo ay dahil sa pagkakaroon ng problema sa 69 KB line ng kooperatiba matapos na sumabit ang sanga ng kahoy dito at nag short circuit.
Ipinaliwanag din ni Homez na kapag ang 69 KB line ng COTELCO ang nagkaproblema, ibig sabihin ay apektado ang buong service area nito. (SJDuerme-PIA12 with MAPispis-DXVL News)

*88888888

MAKI-ALAM SA ISYU SA WEST PH SEA—DFA

COTABATO CITY– Habang inaantabayanan ang pagdinig ng UNCLOS kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea, patuloy ang pagmomonitor ng Deparment of Foreign Affairs (DFA) sa mga karagatang sakop ng Pilipinas partikular  na sa pinag-aagawang West Philippine Sea na kasalukuyang pilit inaangkin ng bansang Tsina.
Ang West Philippine Sea ay bahagi ng South China Sea na nasa bandang kanluran ng Pilipinas na nakapaloob sa tinatawag na exclusive economic zone ng bansa.
Ito ay kinabibilangan ng Luzon Sea gayundin ang mga karagatang nakapaloob at nakapalibot sa parteng silangan ng Kalayaan Group of Islands sa Palawan at Scarborough Shoal sa Zambales.
Ayon kay Office of the Asean Affairs – Political Security Division Atty. Anwar Ito ng DFA, ang West Philippine Sea ay mahalaga sa pag-unlad ng ekonomiya, pangkalikasang seguridad, kasapatan ng pagkain ng bansa at mahalagang tirahan din ng mga isda at iba pang organismong pandagat dahil ito ay mayaman sa mga coral reefs.
“Ang industriya ng pangingisda ang bumubuo sa 5% ng ating ekonomiya at mahigit 5 milyong Pilipino ang umaasa rito,” ani Atty. Ito.
Aniya, napatunayan na mayroong bukal ng langis, gas at iba pang yamang mineral ang Pilipinas lalo na sa bandang Palawan at ang malaking suplay ng kuryente sa Luzon ay hango naman sa Malampaya – makikinabang ang bawat Pilipino sa pagpapaunlad ng mga nasabing yaman dahil ito ay pagmumulan ng sapat na enerhiya sa mababang halaga na makakatulong sa patuloy na paglago ng ating ekonomiya.
Sinabi ng opisyal, sa kasamaang palad, may mga bansang nagkakaroon ng di-makatarungang pag-angkin sa ilang bahagi nito katulad ng 9-dash line, illegal fishing at reclamation ng bansang Tsina.
“Ang 9-dash line ay isang imaginary line na sinasaklaw ang 90% ng kabuuang lawak ng South China Sea subalit sumasapaw ito sa ating karapatang pandagat - sumasapaw din ang pag-angking ito ng Tsina sa exclusive economic zone ng Vietnam, Malaysia at Brunei na walang sapat na batayan sa anumang batas pagdaigdig at wala ni isang bansa ang kumikilala rito,” dagdag pa ni Ito.
Sa nagpapatuloy na pag-angking ito, namamagitan naman ang United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) ang kasunduang nilagdaan ng mahigit 160 na bansa kasama ang Pilipinas at Tsina - saklaw ng batas na ito ang mga alitan kaugnay sa pag-angkin sa mga karagatang nasa South China Sea .
Hinikayat naman ng opisyal ang bawat Pilipino na makialam at makilahok sa usaping ito dahil malaking bahagi ng ating populasyon at ekonomiya ang umaasa sa ating mga yamang tubig at sa isang banda nakasalalay ang ating kinabukasan sa matiwasay at mapayapang karagatan ng West Philippine Sea.(IEroy/PBChangco/PIA Cotabato City)


*88888888888

No comments: